HUMILING ang head coach ng San Beda College na si Teodorico “Boyet” Fernandez III sa mga kritiko ng Red Lions na huwag nang apihin ang kanyang sentrong si Ola Adeogun na nagiging biktima ng mga racist na gawain sa loob ng court.
Nagwala si Adeogun pagkatapos ng laro ng San Beda at Lyceum of the Philippines University sa Filoil Flying V Pre-Season Premiere Cup noong Sabado nang nainsulto siya ng manlalaro ng Pirates na si Paul Pamulaklakin na ayon sa mga saksi ay nagsabi kay Adeogun na isa siyang unggoy.
Nagtala si Adeogun ng 16 puntos at 11 rebounds sa larong pinagwagihan ng San Beda, 80-56.
“We’re letting him know that we in San Beda will always be there for him,” wika ni Fernandez. “The guy is just here to study and help his mother who is sick back home in Nigeria. Huwag ninyong saktan si Ola. Don’t do unto others what others won’t do unto you, sabi nga sa Bibliya.”
Unang nasangkot si Adeogun sa gulo tungkol sa racism noong 2012 nang siya’y nainsulto ng ilang mga manlalaro ng volleyball ng San Sebastian College na humantong sa suntukan.
At sa isang laro sa PBA D League ay muling nainsulto si Adeogun ng isang ballboy ng Cagayan Valley Rising Suns na nagwagayway ng saging sa kanyang harapan.
“I’m just human,” ani Adeogun. “I have to endure whatever things are said against me. It has come to a stage when I just can’t endure it. But I’m ready to sacrifice and coach Boyet has advised me about it. My goal is to win.”
Isa si Adeogun sa mga pambato ng San Beda na defending champion sa men’s basketball ng NCAA ngayong Season 90.
(James Ty III)