NAHAHARAP sa kasong pagnanakaw ang limang tauhan ng towing company nang kanilang ‘karnehin’ ang mga spare parts ng sasakyan na kanilang hinatak, kamakailan.
Sa report ng MPD-District Tactical Operations Center, tinutugis ang mga suspek na sina Jeff Mercullo, Alex Tomas, Cedie Sanchez, Anthony Navez at Jon Buen, mga tuhan ng RWM Towing Services na may tanggapan sa A. Mabini St., Malate, Maynila.
Ang mga suspek ay kinasuhan ng theft at malicious mischief sa MPD General Assignment Section ng complainant na si Ruel Lapid, 30, ng Block 30, Lot 20-A Barangay 14, Caloocan City.
Ayon sa biktima, dakong 9:00 a.m. noong May 6, nang hatakin ng mga suspek ang kanyang sasakyan na may plakang WFC-183 saka dinala sa impounding area sa A. Mabini St.
Para matubos, naghagilap ng pera si Lapid ngunit nang balikan ang kanyang sasakyan ay sira na umano ang compartment at nawawala na ang mahahalaga niyang gamit.
Humingi ng saklolo sa pulisya ang biktima ngunit pagdating nila sa impounding area ng towing services ay nagpulasan bigla ang mga suspek.
(leonard basilio)