TATALIMA si WBO welterweight champion Manny Pacquiao sa utos ng Court of Tax Appeals (CTA).
Sinabi ng abogado ni Pacman na si Atty. Tranquil Salvador, magbabayad ang kanyang kliyente ayon sa utos ng CTA na maglagak ng bond.
Kapalit ng bond ay ang pagbawi sa freeze order ng Bureau of Internal Revenue sa mga ari-arian ng Filipino ring icon.
Ayon kay Salvador, kukunin nila ang P3.2 billion na ipinapabayad ng korte, sa Government Service Insurance System o mula sa isang kilalang bonding firm.
Ngunit hihilingin muna ni Pacman sa CTA na bawasan ang hinihinging bond.
Ayon sa abogado, ang itinakda ng korte ay hindi hamak na malaki sa P1.4 billion na net worth ni Pacman.
“We are hoping the CTA will reduce the bond amount because in its order, it recognized the fact that Pacquiao’s net worth is only more than P 1.4 billion,” ani Salvador.
Sisimulan na sa Hunyo 6 ang pre-trial conference sa kasong tax evasion na kinakaharap ni Pacquiao at magpiprisinta ng kanyang mga ebidensiya ang boksingero.
Ayon kay Salvador, nagmamadali ang BIR na makakolekta ng buwis kay Pacquiao bagama’t hindi binigyan ng due process ang kanyang kliyente.
(LANI CUNANAN)