ISA si Kirk Long sa mga manlalarong nais dalhin ng North Luzon Expressway sa PBA kung aaprubahan ng liga ang pagpasok ng Road Warriors kasama ang tatlo pang bagong koponan.
Ito’y kinompirma ng team manager ng NLEX na si Ronald Dulatre noong isang araw.
Si Long ay parehong may Amerikanong magulang ngunit ipinanganak siya dito sa Pilipinas at naglaro at nag-aral ng baseball at basketball sa Ateneo de Manila.
Bukod dito ay nagtrabaho din si Long bilang commentator ng UAAP basketball para sa ABS-CBN Sports.
“It’s up to the (PBA Board) to approve. That’s what we can do. Alam naman natin na wala (si Kirk na na blood) line as Filipino but we will see,” wika ni Dulatre.
Bukod kay Long, ilan sa mga manlalarong nais dalhin ng NLEX sa PBA ay sina Ronald Pascual, Jake Pascual, Kevin Alas, Garvo Lanete at Matt Ganuelas.
Ang kaso ni Long ay pareho kay Alex Compton na naglaro bilang local sa Metropolitan Basketball Association kahit hindi rin siya tunay na Pinoy.
Naglaro nga si Compton sa PBA ngunit bilang import ng Welcoat kahit marunong na siyang magsalita ng Tagalog. (James Ty III)