NAGPAPASALAMAT po tayo sa pagkilalang iginawad sa atin ng Philippine Movie Press Club (PMPC) bilang DARLING OF THE PRESS nitong nakaraang gabi sa Solaire Grand Ballroom sa Parañaque City.
Hindi po natin inaasahan na tayo’y maging nominado at lalo na nang tayo’y manalo.
Hindi naman po tayo showbiz personality pero marami po tayong kaibigan at kakilala sa industriyang naghahatid ng saya, kaalaman at sabihin nating nakatutulong sa pagtaas ng kalidad ng pag-unawa ng madla sa ating arte at literatura.
Alam nating iba’t iba ang antas ng pagkilala at pagrespeto ng ating mga kababayan at ng mismong mga personahe sa entertainment industry.
Pero tayo’y hindi nang-uuri ng tao, naniniwala tayo sa kasabihang bawat tao ay laging may puwang para sa isang makabuluhang pagbabago para sa kanyang pag-unlad.
At ‘yan po ang pangunahing panuntunan natin sa pakikitungo at pakikipagkaibigan natin sa lahat.
Naniniwala po ako na dahil sa panuntunan nating ‘yan na natutunan natin sa mga matatanda ay nakapagtanim tayo nang maganda hindi lamang sa entertainment industry kundi maging sa iba pang grupo.
Ito raw po ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng Darling of the Press na hindi mula sa hanay ng entertainment industry kaya naman lubos tayong nagpapasalamat sa mga naniwala na tayo ay karapat-dapat sa pagkilalang ito.
Mabuhay ang lahat ng mga kumikilos para sa ikauunlad at ikaaangat ng entertainment industry sa bansa.
Muli, mabuhay ang pamunuan at lahat ng miyembro ng PMPC!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com