Sinimulan nang subukan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na patakbuhin ang “river bus ferry” Miyerkoles ng umaga.
Umabot sa halos dalawang oras ang biyahe ng ferry mula Guadalupe, Makati, hanggang Intramuros, Maynila.
Sa panayam kay MMDA Chair Francis Tolentino, sa normal na operasyon ay aabutin lang ng 30-minuto ang biyahe mula Maynila hanggang Makati.
Pinag-aaralan pa rin nila ang sisingiling pasahe na posibleng pumatak sa P20 hanggang P25 para sa student fare.
Gawa ang MMDA river bus ferry sa kulay dilaw na mini bus na nakapatong sa isang tug boat, may kakayahang magsakay ng 40 pasahero.
Matatandaang tatlong taon nang hindi ginagamit ang Pasig ferry service dahil nalugi ang dating operator, ang Nautical Transport Services Incorporated.
Umaasa ang MMDA na mas tatangkilikin ang ferry service ng mga empleyado, estudyante at maging mga turista dahil hindi na mabaho ang Pasig River.