NANAWAGAN kahapon ang mga tagagawa ng materyales sa konstruksyion na higpitan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang monitoring sa mabababang uri ng yero, alambre, at bakal na nagkalat ngayon sa merkado.
Ayon sa kanila, ang mahihirap ang madalas mabiktima ng substandard products dahil mura ang mga ito pero lumalabas na higit na mahal dahil madalingmasira at kailangan muling bumili.
Ayon kay Elmer Ngo, presidente ng Mileage Asia Corp., tagagawa ng Cherry Lume roofing at Sumo GI sheet, maraming naglipanang substandard products sa merkado dahil sa mataas na insidente ng smuggling ng mga ito.
Maging ang hardware stores ay dapat busisiin ang kalidad ng kanilang mga itinitinda para pangalagaan ang kanilang mamimili, aniya.
“Dapat maging puspusan ang kampanya laban sa substandard products para ‘di madaya ang ating mga kababayan,” sabi ni Ngo.
Maging ang Puyat Steel ay umayuda sa panawagan ng mahigpit na pagbabantay sa marurupok na materyales.
Dinadagsa ng mga reklamo ngayon ang sektor ng konstruksyon dahil sa pagkalat ng mabababang uri ng materyales kung kaya hinihiling ng mga tagagawa nito na agad masugpo ang pagpupuslit ng mga substandard products sa bansa.
Upang makasiguro sa tamang kalidad, iminungkahi nila na hanapin ng mga mamimili ang tatak ng inspeksiyon na nagpapatunay na ang materyales ay dumaan sa standard requirements o quality control ng DTI, sabi ni Ngo.