MAS prayoridad ng Palasyo ang paghahanap ng kongkretong hakbang para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng koryente kaysa magkaroon ng emergency powers si Pangulong Benigno Aquino III para tugunan ang power rate hike.
“Hindi pa po tinatalakay ng Pangulo ang bagay na ‘yan sa mga miyembro ng Gabinete. Sa kasalukuyan, ang kautusan ng Pangulo ay hinggil sa patuloy na pag-aaral at paghahanap ng mga kongkretong paraan kung paano maiibsan o mababawasan ang pasanin ng mga mamamayan sanhi ng malaking pagtaas sa halaga ng koryente noong nakaraang buwan na pansamantalang pinigil ng Korte Suprema,” tugon ni Coloma sa panawagan ng ilang mambabatas na bigyan ng emergency powers ang Pangulo.
Aniya, nakipagpulong na ang Department of Energy sa mga kinatawan ng power generators at Manila Electric Company (Meralco) hinggil sa power rate hike issue.
Iginiit ni Coloma, mahalaga na ang maging hakbang ng mga sangkot sa power industry ay alinsunod sa kapakanan ng publiko dahil ang kanilang negosyo ay para sa interes ng publiko.