PINAWI ng gobyerno ang pangamba ng local fishermen kaugnay sa panibagong tensyon dulot ng ipinatutupad na “fishing policy” ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi kinikilala ng Philippine government ang bagong fisheries regulation ng Beijing at malinaw na paglabag ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Siniguro rin ng kalihim ang proteksyon ng gobyerno sa mga kababayang mangingisda sa erya.
Una rito, hiniling ng Filipinas sa China ang kaukulang paglilinaw hinggil sa ipinaiiral nitong patakaran ng pangingisda partikular sa pinagtatalunang mga isla sa West Philippine Sea.
Ani Valte, mahalagang ituloy ng DFA na hingin ang paliwanag ng China kahit pa sinabi na nitong lumang batas at inamyendahan lamang ang ipinaiiral na fishing policy.
Ayon kay Valte, kakausapin ng Philippine ambassador to Beijing ang kanyang counterpart para magkaroon ng opisyal na pahayag kaugnay sa sensitibong isyu.