ISANG nagpakilalang CALABARZON reporter ng tabloid na Bagong Toro ang inaresto ng pulisya matapos ireklamo ng pangongotong ng isang barangay chairman sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng madaling araw.
Ang suspek, kinilala sa pangalang Edwin Sarmiento, CALABARZON reporter umano ng Bagong Toro, residente ng 266 Vanda St., Atdramas Vill 2, Real, Calamba City, Laguna, ay inireklamo ni Barangay 267 Chairman Renale Serame dahil muli siyang hinihingan ng pera at bigas.
Suot ang dalawang pekeng identification card ng Alab ng Mamamahayag (ALAM), si Sarmiento ay may hawak na advertising contract ng HATAW na ginagamit niya sa panloloko ng mga barangay chairman.
Nagso-solicit umano siya ng “ads” kapalit ng pera at bigas base sa naitakda niyang presyo ng advertising materials.
Nang unang puntahan ng suspek si Serame ay napaniwala siya, pero dahil hindi naman nakita ng Chairman ang nauna niyang ads, tinabla niya sa ikalawang pagkakataon si Sarmiento.
Agad nagreklamo si Serame at humingi ng tulong sa Manila Police Distrcit – Police Station 3 (Sta. Cruz Station) para sa agad na ikadarakip ng suspek.
Sa tanggapan ni MPD-PS3 Anti-Crime chief, SPO4 Ruel Robles, dakong 7:00 ng gabi, nang matanggap nila ang personal na tawag ng barangay official na inirereklamo ang isang ‘makulit na taga-media.’
Humihingi umano ng ads si Sarmiento gamit ang advertising contract ng HATAW, Journal, Bagong Toto at Remate.
Kasunod nito, mabilis na nagresponde ang pulisya at nakita si Sarmiento sa barangay hall gamit ang mga ID na media na Kabayani, Journal, Parish Pastoral ID at dalwang pekeng ALAM ID at ALAM press ID.
Agad napansin ni Robles na ang genuine na ALAM ID ay walang nakalagay na partylist habang ang peke ay malaki at may nakasulat na party-list.
“Hindi namin nilagyan ng party-list ang ALAM dahil nag-a-apply pa kami noon sa Comelec,” ani Jerry Yap, chairman ng ALAM.
Idinagdag ni Yap na hindi nila kokonsintihin ang ginagawa ng ilang tiwaling gaya ni Sarmiento.
“Pinag-iisipan na po ng abogado namin na si Atty. Toto Causing, na siya rin ALAM President kung ano ang karapat-dapat na kasong isasampa para kay Sarmiento.”
(B.G. BILASANO)