HINDI pa rin kinakastigo ng Palasyo si Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos sa kabila nang pagtanggal sa kontrobersyal na special allotment release order (SARO) na natuklasang ginawang raket ng malalapit na tauhan niya.
Ni hindi pinagbakasyon ng Malacañang si Relampagos kahit isa siya sa mga kinasuhan ng plunder case kaugnay sa paglulustay sa P900-M Malampaya funds kasama sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Janet Lim-Napoles at iba pang matataas na opisyal ng nakaraang na rehimen.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, bagama’t lumutang ang pangalan ni Relampagos sa ilang anomalya ay hihintayin pa ng Palasyo ang resulta ng pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI).
“The name has been floated although we would like to wait for the results of the NBI investigation — ongoing pa rin siya,” aniya.
Nang usisain si Valte sa kasalukuyang estado ni Relampagos at kung siya’y pinagbakasyon , ang sagot lang niya ay, “Wala naman. Well I think… Not that I know of.”
Bukod sa Malampaya fund scam at SARO gang ay iniimbestigahan din ng Ombudsman si Relampagos sa P10-B pork barrel scam matapos tukuyin ng mga whistleblower na sina Benhur Luy at Merlina Suñas, bilang contanct person ni Napoles sa DBM.
(ROSE NOVENARIO)
Kahit nilusaw na
NBI PROBE TULOY VS PEKENG SARO
TULOY ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kontrobersyal na pamemeke ng special allotment release order (SARO) para sa farm to market roads na nagkakahalaga ng P879 milyon.
Sa kabila ito nang tuluyang pagbuwag ng Department of Budget and Management (DBM) sa SARO system bunsod ng natuklasang katiwalian.
Kabilang sa iniimbestigahan ng NBI ang pagkakasangkot ng driver at janitor sa DBM, ilang empleyado at staff mismo ng mga congressman.
Ayon kay Justice Sec. Leila De Lima, inaasahan na isusumite na ng NBI ang kanilang investigation report sa maanomalyang pamemeke ng SARO sa katapusan ng Enero.
Nabatid na mismong si DBM Sec. Butch Abad ang nag-anunsyo ng pagbuwag ng SARO.
Ayon sa DBM dahil wala nang SARO, ang mismong General Appropriations Act (GAA) na inaprobahan ng Kongreso ang magiging ‘official budget release document’ ng gobyerno sa mga pondo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa kabila nito, tiniyak ni Abad na magiging mahigpit pa rin ang kanilang pag-release ng pondo sa layunin na hindi ito mapunta sa korupsyon.