BINARIL sa leeg pero tumagos sa pisngi, ang misis ni Atty. Raymond Fortun, ng isa sa riding-in-tandem, sa lungsod ng Las Piñas kamakalawa ng gabi.
Ligtas na sa kamatayan ang biktimang si Gng. Lumen Caroline Fortun, 42, ng Almanza, BF Homes, at nagpapalakas na sa Perpetual Help Medical Center, sanhi ng tama ng bala ng ‘di batid na kalibre ng baril.
Patuloy na sinusuri ng mga imbestigador ng Las Piñas City Police ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera sa bahay ng mag-asawang Fortun na posibleng maging susi sa paglutas sa krimen.
Sinabi ni Fortun, may nakasaksi sa nangyari na itinago muna ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Atty. Fortun, siya ang talagang target ng mga suspek at hindi ang kanyang misis, na alam niyang walang kaaway at malapit sa panginoon.
“Kagagaling lamang niya sa simbahan pagbaba niya ng sasakyan at habang naglalakad papunta sa aming bahay nang barilin ng suspek,” pahayag ni Fortun.
Hinala ni Fortun, may kinalaman sa kanyang trabaho ang pamamaril. Napag-alaman na abogado si Fortun ni Mariane Cayton, may-ari ng Serendra condominium na sumabog at isa sa mga proponent na kumokontra sa “Pork Barrel.”
Ani Atty. Fortun, wala naman umano siyang natatanggap na death threat.
(JAJA GARCIA)