IPINAGTANGGOL ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang kanyang maybahay na si Batangas Governor Vilma Santos-Recto kaugnay ng ulat na nabigo ang gobernadora na makapagsumite ng kanyang Statement of Contribution and Expenses (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec) sa nakalipas na halalan.
Ayon kay Recto hindi, maaaring hindi nagsumite ang kanyang maybahay dahil obligasyon ng bawat isang kandidato natalo man o nanalo matapos ang halalan.
Tinukoy ni Recto na naghain ang kampo ng kanyang asawa ng SOCE bago pa man ang takdang deadline nitong Hunyo 6 ng taon.
Binigyang-diin ni Recto na mayroon silang hawak na certificate of compliance mula sa Comelec Batangas na magpapatunay na nagsumite ang kanyang asawa ng SOCE.
“We have a certificate of compliance dated June 6 from Comelec Batangas that we complied,” ani Recto.
Inamin naman ni Recto na nagulat sila lalo na si Ate Vi, sa ginawang press conference ng Comelec kamakalawa ng umaga na nagdidiin na nabigo ang gobernadora na sumunod sa itinatadhana ng batas.
Binigyang-linaw ni Recto na kung mayroon problema o pagkakamali sa isinumiteng SOCE ng kanyang asawa ay sana sinabihan sila ng Comelec upang ito ay kanilang maitama.
Matatandaang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na dapat ay bakantehin ng mahigit 400 nanalong local officials ang kanilang pwesto matapos na sila ay mabigong sumunod sa batas na magsumite ng SOCE.
(NIÑO ACLAN)