WALANG takdang panahon o “unlimited” ang pananatili sa Filipinas ng mga tropang Amerikano at ng kanilang warships, na hindi sumasailalim sa inspeksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdaong sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang US ang magdedetermina kung hanggang kailan magtatagal sa bansa ang kanilang mga tropa at sasakyang pandigma dahil nakabase ito sa pagtataya ng mga Amerikano sa pangangailangan ng ayuda ng mga sinalanta ng super typhoon Yolanda.
Aniya, ang pakay naman ng US warships sa pagpunta sa Filipinas ay upang magbigay ng relief goods kaya hindi na kailangang inspeksyonin pa ng AFP ang laman ng mga barko.
“No they don’t inspect the vessels as the purpose of their arrival is to provide relief goods and will continue to provide help as they assess the situation,” sabi pa niya.
Tiniyak naman ni Lacierda na may clearance mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) ang lahat ng military vessels na dumarating sa bansa at may koordinasyon din sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
(ROSE NOVENARIO)