Monday , December 23 2024

Technicolor managinip at nabubuhay sa ilusyon si Joseph ‘Erap’ Estrada

HINDI porke’t naging artista ay dapat nang ituring ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang buhay bilang kathang-isip na siya rin ang nagsulat, batay sa kanyang pinaniniwalaan at kahit lihis o wala sa tamang katuwiran.

Sa paggunita ng ika-61 anibersaryo ng National Press Club (NPC) kamakailan ay buong ningning niyang inihayag na “pinatatawad” na raw niya ang media dahil sa umano’y pakikipagsabwatan kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para mapatalsik siya bilang pangulo noong 2001.

Isinumbat pa niya na may limang mamamahayag lang raw sa bansa ang nagtanggol sa kanya nang sipain siya ng sambayanan palabas ng Palasyo, at tinawag pang “trahedya” ang People Power 2 na sinundan pa, aniya, ng mga “trahedya” tulad ng Ampatuan massacre.

Ibang klaseng nilalang pala talaga itong si Erap at kung managinip ay Technicolor.

Akala pala ni Erap ay suweldohang empleyado niya ang media sa Pilipinas at tungkulin nila na proteksiyonan siya.

Teka muna, kailan naging kasalanan ang pagtupad sa tungkulin na ibunyag ang katiwalian sa gobyerno at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga opisyal ng pamahalaan?

Ang pangunahing responsibilidad ng media ay maging instrumento sa paghahayag ng katotohanan at hindi pagtakpan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga mandarambong na tulad ni Erap.

Sa katunayan ay kinilala ng World Bank Institute noong 2002, ang pagsusumikap ng mga mamamahayag  mula sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa pagbubulgar sa korupsiyon ni Erap na nagbigay-daan sa pagpapatalsik sa kanya sa poder ng People Power 2.

Bilang parangal at upang maging gabay sa mga mamamahayag sa buong mundo ay inilathala ng World Bank Institute ang aklat na “Journalistic Legwork that Tumbled a President, A Case Study and Guide for Investigative Journalists,” na iniakda nina Lars Moller at Jack Jackson hinggil sa ginawang pag-iimbestiga ng PCIJ sa mga nakaw na yaman ni Erap.

“The Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) proved this through its first eight months of investigating the unexplained wealth of Philippine President Joseph Estrada. The center’s first three published reports became cornerstones in the impeachment trial against Estrada. The trial led to Estrada’s downfall a few months later, and PCIJ’s stories were fundamental in rousting the country’s non-critical media into action,” anila Moller at Jackson.

Sa katunayan ay ginamit pang course material sa ginanap na “Investigative Journalism Course for Southeast Asian Journalists” sa Phnom Penh, Cambodia noong Hulyo 28-Agosto 1, 2004 ng PCIJ at Southeast Asian Press Alliance (SEAPA) ang naturang aklat ng World Bank Institute.

Inilimbag din ng PCIJ ang libro na “Investigating Corruption: A Do-It-Yourself Guide” bilang gabay sa mga interesadong labanan ang korupsiyon, tulad ng mga mamamahayag, aktibista, opisyal ng gobyerno, academe, researchers o kahit concerned citizens.

HINDI NA MABABAGO

ANG KATOTOHANAN

HUWAG sanang kalimutan ng publiko na ginipit ni Erap ang Manila Times noong siya’y pangulo pa, dahil sa pagbatikos sa mga anomalya sa kanyang administrasyon kaya napilitan ang may-ari ng pahayagan na ipagbili ito sa isa sa kanyang dating crony.

Nabura na ba sa memorya ang pagsikil din sa karapatan ng malayang pamamahayag noong rehimeng Estrada nang himukin ni Erap ang mga negosyante na huwag magpa-anunsiyo sa Philippine Daily Inquirer dahil kritikal sa katiwalian sa kanyang gobyerno?

Habambuhay na mananatiling bangungot sa guni-guni ni Erap ang katotohanan na hindi lahat ng taga-media ay kayang tapalan ng kuwarta para manatiling bulag, pipi at bingi sa kanyang mga katiwalian dahil labag sa batas ng Diyos at ng sibilisadong lipunan ang pandarambong, pagsasamantala sa kapangyarihan, pagbibilang ng maraming asawa, at pagkagumon sa alak at sugal.

Kailan ba humingi ng tawad ang media kay Erap para patawarin niya?

Hindi ang media, kundi si Erap ang dapat humingi ng tawad sa sambayanang Pilipino sa kanyang mga kasalanan matapos mapatunayan at mahatulan siyang GUILTY ng Sandiganbayan, base sa mga ebidensiyang iniharap laban sa kanya, sa kasong plunder o pandarambong sa salapi ng bayan.

Kahit sinong damuho ang upahan ni Erap para pabanguhin ang kanyang mabantot na imahe ay hindi na nila magagawang baguhin pa ang katotohanan na siya ay sentensiyadong mandarambong.

Ang masasabi lang natin kay Erap at sa kanyang mga apologist: Gising na, guni-guni n’yo lang ‘yan!

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *