SALUDO tayo sa 14 na Senador na sumulat na kay Senator Chiz Escudero para hilingin na tanggalin na sa 2014 national budget ang Priority Development Assi stance Fund (PDAF) o pork barrel funds na nakalaan para sa kanilang tanggapan.
Mismong si Senator Chiz ay kinompirma ito at ang mga Senador na ‘yan ay sina Senate President Franklin Drilon, si Sen. Chiz mismo, Senators Aquilino “Koko” Pimentel III, Loren Legarda, Bam Aquino, Sergio Osmeña III, Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar, Vicente “Tito” Sotto III, Ferdinand “Bong-Bong” Marcos, Jr., Juan Edgardo “Sonny” Angara, Teofisto Guingona III, at Gregorio “Gringo” Honasan.
Habang ‘yung anim na Senador naman ay nagmungkahi na amyendahan o i-re-align ang kanilang PDAF para sa calamity funds o sa iba pang social services gaya ng edukasyon at kalusugan.
Sila ay sina Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, Senators Miriam Defensor-Santiago, Pia Cayetano, Antonio “Sonny” Trillanes IV, JV Ejercito at Lito Lapid.
Nais ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV na ang kanyang PDAF ay ibuhos sa kalusugan (medical/financial assistance sa mga ospital) at edukasyon (scholarship para sa college students).
Katuwiran ng anim (6), mas mabuti na raw na mayroong tiyak na pupuntahan ang kanilang PDAF kaysa naman sa wala at ito raw ay dapat pakinabangan ng mamamayan.
Nagdesisyon ang mga Senador natin sa panahon na napakalaki ng ESKANDALO sa PORK BARREL na kinasasangkutan ng ilang senador at mga congressman.
Kahit paano ay nakapagbabalik ito ng tiwala sa ating mga Senador, lalo na’t kung ang malaking bahagi nito ay ilalaan sa tunay na REHABILITASYON ng mga lugar na grabeng sinalanta ng LINDOL at BAGYO sa Visayas at Mindanao.
Higit kailanman, ngayon kailangan ng ating bansa ng mga tunay at tapat na lingkod ng bayan.
Ang tunay na rehabilitasyon na sinasabi natin ay ‘yung pag-iisipan talaga nang husto kung saan dapat ILUGAR ang mga kabahayan. Kung paano magpapagawa ng mga gusali at estruktura na hindi ‘DADAYAIN’ ng mga kontratista kaya nagiging SUBSTANDARD. Isa ‘yan sa mga pandarayang nararanasan nating mga pangkaraniwang mamamayan.
Kung ang gusali ay sa paaralan, ang sabwatan ay nagaganap mula roon sa maglalabas ng pondo, sa gagawa at sa benepisaryo (pwedeng congressman + contractor + principal). Ganyan din ang nangyayari sa iba pang proyekto, ospital, covered court, kalsada, etc.
Sa kaso naman ng nabistong private individual na nakinabang nang husto sa katiwaliang ito ay si Janet Lim-Napoles (nakakulong na siya ngayon), asawa ng isang ex-militray major na si Jimmy Napoles, na sinasabing malapit kay Senator Johnny Ponce Enrile.
Ang nakaririmarim sa kasong ito ni Napoles, pondo para sa mahihirap na magsasaka na naroroon sa malalayong probinsiya ang kanilang unang-unang biniktima sa pamamagitan ng mga pekeng non-governmental organizations (NGOs).
Kaya naman natutuwa tayo sa pagposisyon ng 20 Senador (14 plus 6).
Pero ang ‘malungkot at kapuna-puna, bakit hindi man lang nagsasalita ang mga Senador na sina Tanda, Sexy at Pogi kung ano ang gusto nilang gawin sa kanilang PDAF?!
Hindi na ba sila tatanggap o ire-re-align nila?!
Talaga bang wala silang gustong intindihin kundi ang mga sarili lang nilang BULSA?!
Tsk tsk tsk … HOY, may konsensiya pa ba kayo!?
IGLESIA NI CRISTO BIKTIMA RIN NG BLACK PROPAGANDA
KUMALAT sa social networking sight ang larawan ng isang kapilya ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Estancia at Balasan Road sa Iloilo City.
Meron daw kasing isang grupo na naglalakad noong kasagsagan ng super typhoon Yolanda. Basang-basa na sila, giniginaw at nagugutom nang mapadaan sa tapat ng Iglesia ni Cristo. Tinangka raw nilang pumasok pero may nagsabi raw sa kanila na hindi sila pwedeng pumasok dahil hindi sila miyembro ng INC.
Sa kasagsagan ng pananalasa ni ‘Yolanda’ sa Iloilo City, tanging ang simbahan ng Iglesia ni Kristo ang hindi nasalanta at nagiba.
Kung ito po ay black propaganda, ang masasabi lang natin, mukhang malayo naman sa realidad ‘yan.
Hindi natin matatawaran ang pagtulong na ginagawa ng INC sa iba nating kababayan (kahit hindi kaanib) tapos sa ganyang sitwasyon pa sila magiging maramot?
‘Yan namang KAPILYA ng INC, alam po natin na napakatibay ng kanilang estruktura. Kumbaga tinitiyak nila na ang kanilang SAMBAHAN ay matibay at protektado.
Napansin po ba ninyo na mayroong simbahan ng INC na nagiba nitong nakaraang lindol at pananalanta ni Yolanda sa Visayas at Mindanao?!
Ibig sabihin lang po na hindi KINUKURAKOT ang pondo sa pagpapagawa ng KAPILYA ng INC.
Sa ganitong panahon po, palagay natin ay mas makabubuting magkapitbisig tayong lahat, ano man ang ating relihiyon at paniniwala.
‘Yung mga ‘armadong grupo’ sa lalawigan ng Samar at Leyte, palagay natin ay malaki ang maitutulong ninyo para sa mga kababayan natin na nasa kabundukan na mas malapit sa inyo.
Inuulit ko po, tumutulong po ang INC, at hindi nagmamaramot.
Hinaing ng mga biktima sa iba pang lugar
HINDI LANG TACLOBAN AT ILOILO ANG NASALANTA
MARAMI po tayong text messages na natatanggap.
Hindi lang daw po Tacloban at Iloilo ang nasalanta, grabe rin daw po ang naranasan ng Guian, Eastern Samar; Basey, Western Samar; Ormoc City at iba pang bayan-bayan o baryo-baryo sa Visayas.
Sana raw po ay maging malawak ang paggalugad ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng DSWD, Philippine Coast Guard, local government units katulong ang mga pribadong organisasyon dahil hanggang ngayon ay marami pang lugar na nasalanta ng Yolanda ang hindi pa napupuntahan.
Ang Northern Samar naman, sa awa ng Diyos ay hindi nasalanta, maliban sa nawalan ng koryente at signal.
Maagap din na nagpa-evacuate si Laoang Mayor Madeleine Mendoza – Ong lalo na ‘yung mga nasa coastal areas kaya naman walang masyadong naging problema sa Laoang.
‘Yun nga lang po, halos dalawang buwan din daw mawawalan ng koryente ang Laoang dahil ang supply ng koryente nila ay galing din sa Calbayog at Tacloban.
Bilang tulong naman, nagbuo ng apat na TEAM si Gov. JOSE L. ONG, Jr., na ipinadala sa Tacloban para tulungan doon ang mga estudyante at mga nagtatrabaho na taga-Northern Samar.
Sa huling balita, umabot na sa 126 katao ang ibibiyahe mula Tacloban hanggang Northern Samar.
Lubos na nagpapasalamat ang mga Nortehanon sa maagap na pag-alalay ni Gov. Jun Ong.
Kahit po konti-konting tulong lang kapag pinagsama-sama malaking bagay na po ‘yan!
Filipino people UNITE and help to build our country again!
By the way, nasaan ang TULONG ng Resorts World Casino at Solaire Casino?!
PANAWAGAN NG PHILIPPINE RED CROSS
NANAWAGAN po si Ms. Gwendolyn Pang ng Philippine Red Cross sa mga nais magpadala ng DONASYON … the best po ang CASH, damit na maayos huwag sexy, bacterial soap, sa pagkain imbes noodles mas maigi daw po ang de latang pagkain.
Idagdag na po ninyo ang bottled water at gatas ng mga baby dahil malaki po ang pangangailangan nilang makainom ng malinis na tubig.
Ang hotline po ng Philippine Red Cross ay 143, +632 527-0000, 09324995241 and 09175261957.
Salamat po sa mga walang sawang tumutulong sa ating mga kababayan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com