MARIING pinabulaanan nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar ang akusasyon laban sa kanila ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na tumanggap sila ng kickback mula sa mga flood control project ng pamahalaan.
Ayon kay Bonoan walang katotohanan ang mga akusasyon laban sa kanya ni Bernardo at kaya niya itong patunayan sa Korte.
Si Bonoan ay isa sa mga respondent sa kasong isinampa laban kina dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na hinainan na ng warrant of arrest ng Sandigabayan at Senador Jinggoy Estrada.
Aminado si Olaivar na kilala niya si Bernardo at dating DPWH District Engr. Henry Alcantara ngunit kailanman ay hindi siya tumanggap ng kahit na singko mula sa kanila.
Pinabulaanan ni Olaivar ang akusasyong may kaugnayan kay Carleen Yap-Villa, dating assistant ni Makati Mayor at dating Senadora Nancy Binay na tumanggap ng kickback sa ngalan ng dating senadora.
Binigyang-diin ni Olaivar, wala siyang karapatan at kapangyarihan na katawanin ang tanggapan ng Executive Secretary (ES).
Si Olaivar ay inakusahan ni Bernardo na tumanggap ng kickback na siya mismo ang personal na nagbigay para kay DepEd Secretary at dating Senador Sonny Angara at kay ES. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com