TATLONG miyembro ng mayorya at dalawa mula sa minorya ang pumasok sa top 5 ng most favorable senators sa Pahayag 2025 End-of-Year (PEOY-2025) survey ng Publicus Asia.
Nanguna sa listahan si Senador Bam Aquino na may 54 porsiyentong net favorable rating, habang nakakuha sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senadora Risa Hontiveros ng 47 at 46 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.
Pasok sa top 5 sina Minority Senators Bong Go (42 porsiyento) at Rodante Marcoleta (38 porsiyento). Nilahukan ang survey ng 1,500 rehistradong botanteng Filipino isinagawa noong 7-10 Disyembre 2025.
Nanguna si Go sa 2025 senatorial race na sinundan ni Aquino, habang pumuwesto sa ikalima at ikaanim sina Pangilinan at Marcoleta, ayon sa pagkakasunod.
Ang PEOY-2025 survey ay isang independent, non-commissioned at nationwide purposive sampling survey. Ang mga respondent ay random na pinili mula sa market research panel ng PureSpectrum, isang US-based panel marketplace na may pandaigdigang operasyon at regional office sa Singapore.
Ang Publicus Asia ang tanging survey company na tama ang naging prediksiyon na magtatapos sina Go at Aquino sa una at ikalawang puwesto sa 2025 senatorial elections, ayon sa pagkakasunod.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com