MA at PA
ni Rommel Placente
KINUHA ni Coco Martin ang anak ng dating aktres na si Katherine Luna na si Nicole para mapasama sa seryeng pinagbibidahan niya, ang FPJ’s Batang Quiapo. Gumaganap dito si Nicole bilang kaibigan ng kapatid ni Maris Racal.
Si Katherine ay dating karelasyon ni Coco noong panahong gumagawa siya ng indie film. Nagkasama ang dalawa sa pelikulang Masahista at doon na nagsimula ang kanilang relasyon. Si Nicole ang nabalitang anak umano ni Coco kay Katherine, na ayon mismo sa dating aktres.
Pero binawi ni Katherine ang sinabi niyang ‘yun. Inamin niya na hindi si Coco ang tunay na ama ni Nicole. Pagkatapos ay humingi siya ng tawad sa aktor. At tinanggap naman ni Coco ang paghingi ng tawad ng dating karelasyon.
Sa ngayon ay tinutulungan ni Coco si Katherine sa pagpapagamot nito sa mata.
Lalabas din sana si Katherine sa nasabing serye. Kaya lang hindi ito pwede dahil nga sa kanyang karamdaman.
Hindi man natuloy si Katherine, parang nabigyan na rin ng katuparan ang pangako ni Coco sa kanya na isasama siya sa Kapamilya aksiyon-serye dahil nandito naman ang kanyang anak.
Siyempre pa, sobrang happy ni Nicole na nabigyan siya ng pagkakataon na makaarte sa harap ng kamera, at mapasama sa hit action series ni Coco na parang tunay na rin niyang ama.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com