BANGKOK – Napakahirap talunin ng host team na Thailand para sa Philippine polo team, na nagresulta sa 1.5-11 na pagkatalo sa mixed 2-4 goals semifinals ng 33rd Southeast Asian Games sa Siam Polo Park, Samut Prakan nitong Lunes.
Hindi nakapuntos ang mga Pilipino sa unang tatlong chukker, bago tuluyang nakaiskor si team captain Stefano Juban para maisalba man lamang ang Pilipinas sa huling sandali, ngunit hindi na ito nakaapekto sa resulta.
Ang pagkatalo ay hindi lamang nag-alis sa Pilipinas ng tsansa para sa gintong medalya, kundi pati na rin ng pagkakataong maulit ang silver-medal finish nito noong 2019 SEA Games – ang huling pagkakataong naisama ang sport sa biennial meet.
Dahil sa sobrang pagkadismaya, magalang na tumanggi ang Team Philippines na magbigay ng panayam matapos ang laban, bagama’t nakatanggap sila ng papuri mula sa kalabang koponan.
“Palagi namang mahirap kalabanin sila at sa totoo lang, mas lalo pa silang nagiging organisado bawat taon na nakakaharap namin sila,” sabi ni Apichet Srivaddhanaprabha tungkol sa Team PH.
Hindi pa tuluyang tapos ang laban para sa mga Pilipino dahil maaari pa rin silang makakuha ng podium finish laban sa matatalong koponan sa kabilang semifinals sa pagitan ng Brunei at Malaysia, na kasalukuyang naglalaro habang sinusulat ito.
Gaganapin ang laban para sa bronze sa Miyerkules, Disyembre 10 sa parehong venue. (PCO media/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com