PINATUNAYAN ng Brazil ang mataas na inaasahan dito matapos nitong talunin ang Portugal, 3-0, upang makapag-ukit ng kasaysayan bilang unang kampeon ng FIFA Futsal Women’s World Cup noong Linggo ng gabi sa masikip na PhilSports Arena.
Nagpasiklab si Emilly sa ika-10 minuto sa pamamagitan ng isang malakas na tira upang buksan ang laban, na sinundan ng mga beteranang sina Amandhina (ika-23) at Debora Vanin (ika-38) pagkatapos ng muling pagsisimula upang tuluyang tiyakin ang tagumpay ng Seleção sa harap ng 5,087 manonood.
Ang kanilang kahanga-hangang pagtatanghal sa huling laban ang nagbigay-koronang pagtatapos sa walang bahid na anim-na-larong kampanya ng top-ranked Brazil sa torneo na sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation, na lalong nagpatibay sa kanilang katayuan bilang pinakamahusay sa pinakamahusay.
“Lubos akong nalulugod. Ang mga manlalaro ay pambihira at ang coaching staff ay kapuri-puri,” pahayag ni Coach Wilson Saboia matapos makamit ng Brazil ang karangalan bilang inaugural World Cup champion matapos mangibabaw sa halos lahat ng pandaigdigang kompetisyon.
“Ito ay mag-iiwan ng napakalaking pamana sapagkat lalo nitong palalaganapin ang futsal sa mga paaralan, mga club, at mga unibersidad sa aming bansa. Mula rito ay masusubok at mahuhubog ang mas magagaling na coaches at manlalaro,” dagdag pa ni Saboia.
Nag-ani muli ng karangalan si Emilly, ang 2024 Best Women’s Player, matapos nitong masungkit ang adidas Golden Ball at adidas Golden Boot bilang Most Valuable Player at top scorer ng torneo.
Ginawaran naman ng Silver Ball ang kanyang kakamping si Vanin, habang si Lidia Moreira ng Portugal ang nagkamit ng Bronze Ball. Pinarangalan si Ana Catarina Pereira, goalkeeper ng Portugal, ng Golden Glove, habang napasakamay ng Brazil ang FIFA Fair Play award.
Samantala, si Laura Cordoba ng Spain—na nagtala ng ikatlong puwesto matapos ang 5-1 na panalo laban sa Argentina—ang nagwagi ng Silver Boot, habang muling pinarangalan si Moreira ng Bronze Boot.
Ang koronasyon ng Brazil ang nagmarka ng pagtatapos sa 16 na araw ng kapanapanabik at mataas na antas ng kompetisyon, na naging patunay sa kahusayan ng Pilipinas sa pagho-host at nagbigay-daan sa mga makasaysayang sandali para sa 16 na koponang kalahok, kabilang ang Filipina5 na nakapagtala ng mga goal sa pamamagitan nina Inday Tolentin, Cathrine Graversen, at Isabella Bandoja sa group stage. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com