Monday , December 23 2024

Hindi magnanakaw

HINDI raw siya magnanakaw. Ito ang mariing pahayag kamakailan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa taong bayan sa pamamagitan ng radio at telebisyon habang ipinagtatanggol niya ang kanyang patuloy na pagpapanatili ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na kilala rin sa mabahong taguri nito na presidential pork barrel.

Dagdag ni B.S. Aquino III, ang oposisyon sa pakikipagsabwatan sa media ang may kagagawan kaya inuulan ng batikos ang kanyang administrasyon. Idiniin niya na pinapuputok ng oposisyon ang isyu upang mabaling mula sa kanila ang galit ng tao dahil na rin sa pagkakabisto ng kanilang pagpapasasa sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala rin sa tawag na congressional pork barrel.

Pero sino ba ang nagsasabing siya ay magnanakaw? Ang sinasabi ng mga kritiko ng kanyang administrasyon ay ninanakaw ng kanyang mga kaalyado at mga nasa oposisyon ang pera ng bayan. Wala tayong naririnig sa ngayon na nagsasabing siya ang nagnanakaw ng pera ng mamamayan. Parang hindi naiintindihan ni B.S. Aquino III ang isyu. Malayo ang kanyang sinasabi kaugnay sa mga sinasabi ni Juan dela Cruz.

Ang hirap kasi kay B.S. Aquino III ang nakikita lamang niyang problema ng bayan ay ang pagnanakaw ng mga kawatan.

Hindi niya nakikita na suliranin rin ang pagpapanatili ng mga kondisyon tulad ng PDAF at DAP na matutuksong magnakaw ang mga nasa poder. Hindi nakikita ng pangulo na suliranin ang patuloy na pamamayagpag sa ekonomiya, politika, at socio-kultura at ang walang humpay na pagkakamal ng yaman ng bansa ng iilan lamang. Hindi niya nakikita na suliranin ang patuloy na pagdayo ng ating mga mahal sa buhay sa ibang bansa upang makahanap ng trabahong magbibigay ng disenteng sahod.

Maraming hindi nakikita si Pangulong B.S. Aquino III, haaaay.

* * *

Bakit ba ang media ang sinisisi ni B.S. Aquino III sa mga balita kaugnay ng eskandalo na bumabalot sa PDAF at DAP e wala naman ginawa kundi iulat lamang ang mga nangyayari? Bakit ang mga mensahero ng bayan ang sinisisi niya?

Hindi naman ang media ang nangurakot ng pera sa pamamagitan ng paggamit ng mga bogus na non-government organizations? Hindi ba’t ang sinasabing gumawa nito ay ang mga pul-politikong kasabwat ang ilang nasa pamahalaan at mga ganid na negosyante?

Hindi naman media ang namigay ng milyon-milyon sa mga pul-politiko matapos bumoto para masibak si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona mula sa poder. Bakit siya nagagalit sa media? Bakit ang media ang sinisisi sa gulong mga nangyayari? Ngayon malinaw na kung bakit ayaw niyang maipasa ang Freedom of Information Act na nakabinbin pa hanggang ngayon sa kongreso. Malinaw na rin ba ito sa inyo?

* * *

Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon ugaliing making sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes alas nueve (9) hanggang alas diyes (10) ng gabi.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.

Nelson Forte Flores

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *