ANG isang magandang idinulot sa gulo sa pork barrel sa kongreso ay ang paglilinis na kasalukuyang nagaganap sa Bureau of Customs sa pamumuno ni Secretary Cesar Purisima at sa pagsunod ni Commissioner Ruffy Biazon.
Bago pumutok ang eskandalo sa kongreso dala ang kasakiman sa pork barrel ng mga senador at kongresmen, mga senior na taga-kongreso ang mismong deretsahang nakikialam sa reshuffle.
Kapag sinabi ng senador na ‘bata ko ‘yan’ biglang tameme pati ang Palasyo. Si Commissioner Biazon nakikisama rin at dehins na lang kikibo. Ilang beses na itong nangyayari bago pumutok ang pork barrel scam na bilyon-bilyon palang kabulastugan ang winala ng mga hunghang na opisyales, malabong-malabo na maipatupad ang reform sa Bureau. Kasi baka magalit si senatong o si tongresman at upakan ang budget ng Bureau. O kaya magsumbong sa Palasyo.
Nakita natin nang mawala ang political intervention sa reshuffle, naisasakatuparan ng pama-halaan ang reform. Unang-una, sinibak ang lahat ng deputy commissioner; pangalawa, itinapon sa DOJ ang 27 collectors na pawang mga influential; pangtalo isusunod na raw ang 13 directors na pawang mga presidential appointee rin; at pang-apat isusunod naman ang mga collector IV at division chief na dadalhin sa DoJ upang magbasa, umidlip at maghintay ng 5’o clock para mag-punch ng daily time record.
Isipin na lang na biglang nagsipag-resign ang maraming senior collector at bakit naman kaya? Isang theory dito batid nila na wala nang life sa bureau habang sina Purisima at Biazon ang namumuno. Second theory is that baka raw kinabahan ang mga naka-detail sa DoJ na ituluyan iyong banta kuno na kakasuhan sila ng graft or plunder kung sila ay nagmamatigas.
Nangyari na ito noong mga nakaraan taon sa bureau na iyong mga bad guys, pinamili kuno na huwag mag-resign o harapin ang ano mang kasong isasampa sa kanila. Puwede rin palang ikompromiso ang mga graft and corruption ca-ses na tambak-tambak.
Arnold Atadero