NANANAWAGAN ng pagkakaisa ang mga board members at lupon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas dahil hindi pa rin naipapasa ang Internal Rules of Procedure (IRP) o ang kanilang magiging gabay para sa pagganap ng mga sesyon ng lalawigan.
Nabatid na hindi pa naaaprobahan ang committee report na nilagdaan ng lahat ng Board Members sa isinagawang 2nd Regular Session noong ika-14 ng Hulyo 2025, na pinangunahan ni Vice Governor Hermilando Mandanas bilang presiding officer kaya nananatili pa rin sa Committee on Ethics, Accountability and Good Governance ang IRP.
Magugunita, nitong nakaraang linggo ay inabot ng limang oras ang diskusyon ng mga mambabatas patungkol sa pagre-refer sa nasabing komite. Ang komite na binubuo ng lahat ng mga board members, ay nagkaroon na ng limang araw at magpapatuloy pa sa mga susunod na araw.
Ang lahat ng IRP ay naglalaman ng mga pamamaraan at gabay para sa pagsasagawa ng mga sesyon at ang pangkalahatang legislative process, na karaniwang inaaprobahan sa inaugural session upang hindi mahinto ang aksiyon sa mga pangangailangan ng publiko.
Kailangang maipasa ang IRP bago masimulan ang mga proyekto at programa na ipatutupad ng ehekutibo dahil nakapaloob dito ang pagbuo ng mga komite at committee chairmanships, na inaasahang mangunguna at magiging tagapag-ugnay para sa implementasyon ng mga prayoridad na serbisyo.
Bago magtapos ang sesyon, nanawagan si 6th District Board Member Aries Emmanuel Mendoza na magkaisa na ang Sanggunian para sa kagalingan ng bawat Batangueño. Sinegundahan ito ng karamihan ng board members sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang kamay tanda ng pagiging bahagi ng mayorya.
Ngunit ito ay pinawalang-saysay ng presiding officer na tila taliwas sa kanyang naging pangako kay Governor Vilma Santos-Recto na makikipagtulungan sa kanyang administrasyon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com