Friday , November 22 2024

NFA chief Amerikano ( Bunyag ng abogado )

102813_FRONT

PANIBAGONG pagbubunyag na naman ang inilunsad kahapon ng abogadong aktibista na si Atty. Argee Guevarra laban sa pamumuno ni Sec. Proceso Alcala sa Department of Agriculture (DA), sa pagsisiwalat sa mga “kadudadudang mga appointees” sa matataas na posisyon sa nasabing kagawaran. Kasama umano sa mga ito ay isang “Kano” na hinirang ng kalihim upang pamunuan ang  National Food Authority (NFA) – pangunahing ahensya sa usapin ng food security.

Sa isang pahayag, inakusahan ni Guevarra si Alcala sa pagsasawalang-bahala sa mga batas ng bansa “at ginawa ang DA na parang kanyang pansariling palaruan sa pagtalaga ng mga miyembro ng ‘Quezon mafia’ sa Kgawaran, kasama na si Orlan Calayag, na isang American citizen, bilang  NFA administrator.”

“Sila ang mga taong paulit-ulti na nasasangkot sa maraming katiwalian noon pa man, at maging sa  Napoles pork barrel fund scam, ngunit pinagkakatiwalaan pa rin sila ni Alcala, ang political benefactor nila” ayon kay Guevarra.

“Ang food security ng bansa ay inilagay sa kamay ng isang ‘Kano’ na si Orlan Calayag. Kelan pa pumayag ang batas, kasama na ang batayang kautusan na lumikha sa NFA, sa paghirang ng isang taong minsan nang nagtakwil sa kanyang pagiging Filipino upang pamunuan ang alinmang ahensya ng gobyerno?”

Si Calayag, na dating aide ng noo’y Congressman Alcala, ay lumipad mula US pabalik dito sa Filipinas noong December 19, 2012 gamit ang American Passport No. 462971672. Mahigit isang taon pagkalapag sa bansa, noong January 7, 2013, nakuha niya ang kanyang “dual citizenship” – lampas anim na buwan matapos makopo ang appointment bilang NFA administrator na effective July 1, 2012.

“Unang-una, anong klaseng panlalansi ang ginamit ni Alcala malinlang lamang ang Pangulo upang pirmahan ang appointment papers ni Calayag? Kahit na ipagpalagay pa natin na hindi niya ginusto ang paggawad sa kanya ng dual citizenship, nananatiling malinaw ang batas sa pagbabawal sa kanya na mamuno o kahit maging empleyado man lamang sa kahit alinmang ahensya ng gobyerno,” paliwanag ng abogadong sinanay sa UP na si Guevarra.

Batay sa batas at sa mga kautusan ng Korte Suprema sa Maquiling vs. Comelec (G.R. No. 195649, 16 April 2013) at maging sa Mercado vs. Manzano (G.R. No. 135083, 26 May 1999), ikinatwiran ni Guevarra na: “Una, natutunaw ang iyong pagiging “natural-born citizen of the Philippines” sa mata ng batas kapag, dahil lamang sa kagustuhan mong maging “Kano” ay, minsan mo nang itinakwil ang iyong pagka-Filipino; pangalawa, kahit na iginagawad sa iyo ang mga benepisyo ng pagiging isang “dual citizen” sa ilalim ng RA No. 9225, hindi awtomatikong naibabalik sa iyo ang pagiging isang “natural-born citizen of the Philippines.”

Itinatakda ng NFA Charter na ang sinomang itatalagang NFA Administrator ay isang “natural-born” Filipino.

Kasama sa pagkakahirang ni Calayag bilang NFA administrator, “na hindi dumaan sa prosesong nakasaad sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) Reform Law,” ayon kay  Guevarra, ay ang pagkakatalaga bilang Chairman ng Food Terminals Inc., at director ng Philippine Fisheries Development Corp – “mga korporasyong pag-aari at pinangangasiwaan ng gobyerno.”

“Ang mga utak at pag-iisip na kagaya nito mismo ang nagpapalala sa katiwalian sa DA. Dahil sa kanilang “impunity” at pagmamalabis, akala nila ay kaya na nilang paglaruan at paikutan ang batas anomang oras nilang gustuhin,” ani Guevarra, na unang nagbunyag ng overpricing ng P457 milyong piso sa bigas na inangkat ng DA at ng NFA noong Abril lamang. Dahil sa nasabing matiwaling importasyon, kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ngayong linggo lamang, umapela si COOP NATCCO partylist Rep. Anthony Bravo at si Rep. Sol Aragones ng 3rd District ng Laguna para “pag-ingatan ang paggasta sa pondo ng gobyerno” para sa sektor ng pagsasaka, samantala inihain naman ni Agri-Agra Reporma Para sa Magsasakang Pilipinas (AGRI) partylist Rep. Delph Gan Lee ang House Bill (HB) No. 2936 na naglalayong “tuldukan na ang monopolyo ng NFA sa importasyon ng bigas” dahil ipinapalagay itong “nakapagpapalala lamang sa pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.”

Sumampa sa pinakamahal na presyo ang bigas noong Setyembre lamang kahit ibinuhos na ng NFA ang pondo sa “government-led importations,”  na umabot sa US$94.5 milyon o mahigit P4 bilyon dahil sa pag-angkat ng 205,700 Metriko Toneladang bigas mula Vietnam noong Abril ngayong taon, at humigit-kumulang sa P1.7 bilyong piso ang ipinambayad ng nasabing ahensya sa kaakibat na buwis at kaugnay na bayarin.

Maliban kay Calayag, kasama sa pinangalanan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kasapi ng “Quezon mafia” sina: DA Undersecretary for Administration and Finance Antonio Fleta; Arnulfo Mañalac, na nagsilbing administrador ng Sariaya Bagsakan Center ni Alcala noong 2007; DA Assistant Secretary Ed de Luna; Philippine Coconut Authority Administrator Euclides G. Forbes na legal consultant din ni Alcala; Claro Maranan ng National Irrigation Administration; Director Asis Perez ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources; Director Lito Baron ng Bureau of Plant Industry; Director Rodrigo Jimenez ng Philippine Fishing Development Authority; at Director Nicomedes Eleazar ng Agri Technical Insititute.

Si Fleta, kasama sina DA Asec Ophelia Agawin at DA Asec Salvador Salacup, na pawang mga appointee ni Alcala, ay kapwa nasasangkot sa Napoles Pork Barrel Scam.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Suspek timbog sa Pampanga
LALAKING NAGKAKAPE UTAS SA BOGA NG KAKOSA

PATAY agad ang isang 55-anyos lalaki nang pagbabarilin sa bahagi ng Tanigue St., Brgy. 14, …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

UAS UNLEASH

UAS Invests in UNLEASH, a Groundbreaking Pet Lifestyle App to Provide Filipinos’ Pet Companions Peace of Mind Through Technology and IoT

UAS (Universal Access and Systems Solutions), a leading technology solutions provider, today announced its strategic …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *