ISANG 25-anyos na lalaki ang namatay habang sugatan ang dalawang iba pa nang pagbabarilin ng riding-in-tandem ang isang grupo na nag-iinuman sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Patay sa tama ng bala sa ulo ang bikitimang kinilalang si alyas Juanito, 25 anyos, habang sa binti nasugatan ang isang alyas Eric, 34, at sa braso si alyas Benedict, 47.
Naganap ang insidente dakong 1:08 ng madaling araw kahapon sa panulukan ng Taylo at McKinley streets sa Brgy. Pio Del Pilar, Makati.
Nabatid sa imbestigasyon ng Makati City Police Station, nag-iinuman ang mga biktima sa lugar nang biglang dumating ang magkaangkas na suspek.
Nilapitan ng mga suspek ang mga nag-iinuman saka pinaputukan ang mga biktima pagkatapos ay mabilis tumakas patungong northbound ng Osmeña Highway.
Sa kuwento ng live-in partner ni alyas Juanito, napadaan sila sa inuman nang biglang dumating ang mga suspek at pinaputukan ang tatlo.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen habang naniniwala ang pulisya na posibleng kilala ng mga biktima ang mga suspek. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com