TIYAK na tiyak nang muling mauupo si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang pinuno ng Senado sa pagbubukas ng 20th congress.
Ito ay matapos kompirmahin ni Senador JV Ejercito na mayroon nang 16 lagdang nakalap si Escudero sa isang resolusyong umiikot sa mga senador mula nang magbakasyon ang kongreso.
Ayon kay Ejercito, kabilang sa mga lumagda ang mga magkakapatid na sina senators Alan Peter at Senadora Pia Cayetano, Raffy at Erwin Tulfo, Mark at Camille Villar at ang kanyang kapatid na si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada.
Tumangging tukuyin ni Ejercito ang iba pang lumagda sa naturang resosluyon.
Naniniwala si Sen.JV na pagdating sa usapin ng liderato ay hindi naman usapin ito ng partido o grupong kinabibilangangan.
Sina Escudero at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na matunog na magkatunggali sa pagiging tagapangulo ng senado ay kapwa kabilang sa National People’s Coalition (NPC).
Aminado si Ejercito na mayroong alok sa kanya sa kampo ni Sotto ngunit aniya hindi niya maaaring talikuran si Escudero dahil mayroon siyang utang na loob dito matapos siyang pagkatiwalaang hawakan ang Deputy Majority Leader sa ilalim ng 19th Congress.
Sa isang panayam sinabi ni Sotto na tanggap niya kung hindi siya tanggap ng ibang mga kapwa niya senador lalo sa kanyang estilo ng pamumuno at pagiging estrikto.
Paliwanag ni Sotto, anoman ang kanyang hakbangin at pamamaraan sa pamumuno ay kanyang ibinatay sa kanyang mga natutuhan sa mga naging stateman ng senado, mga dating lider, at mga senador. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com