NITONG Huwebes nakapanayam ng inyong lingkod si dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel, Jr., na tinaguriang AMA NG LOCAL GOVERNMENT CODE. Sa kanya ko nalaman na ang GROUP CAMPAIGNING pala sa halalang pambarangay ay hindi naaayon sa batas. Ayon sa ama ni Koko Pimentel, dapat na isa-isa o personal ang pangangampanya ng mga kandidato at dapat hindi magastos sapagkat NON-PARTISAN ang barangay elections.
Anang dating Senate President, nagtataka siya kung bakit napakaluwag ng Commission on Elections sa bagay na ito. Malinaw sa batas na bawal ang makigrupo ngunit winawalangbahala lamang. Dapat daw na estrikto sa pagpapatupad ng batas ang Comelec. Oo nga naman, Comelec chairman Sixto Brillantes, Jr.
Kung sakaling may magreklamo laban sa mga kandidatong naglalakihan ang mga POSTER na sila ay magkakasama at nakasulat ang “TEAM,” malamang na madiskwalipika sila, dagdag pa ni Pimentel.
Itinanong ko rin si Comelec spokesman James Jimenez tungkol dito at paliwanang niya, wala pa raw kasing jurisprudence o pagbabasehang batas o ruling ng Korte Supreme na nagsasabing ilegal ang panga-ngampanya ng GRUPO sa barangay elections.
Ibig niyang sabihin, wala pang kumuwestiyon sa KORTE. Baka naman gusto ninyong kayo ang mauna, mga kanayon?
Ang siste kasi, paanong may magrereklamo e lahat naman yata ng tumatakbo ay may kanya-kanyang grupo? E ‘di lahat sila GUILTY? Lahat sila ay maaaring ma-disqualify?
Malinaw sa Section 8 ng Omnibus Election Code na ba-wal mag-endoso o tumakbo ang isang barangay candidate sa ilalim ng isang grupo, lalo na sa ilalim ng isang partido politikal. Nasusunod ba ito? Hindi po sapag-kat alam naman natin na si MA-YOR, CONGRESSMAN AT GOVERNOR ay may kanya-kanyang ALAGA sa Barangay.
Ayon kay G. Jimenez, ang interpretasyon ng Comelec dito ay maaaring tumakbo ang mga kandidato sa ilalim ng isang INFORMAL GROUP. O ‘yung matatawag na barkadahan lamang.
Pero malinaw naman kasi ang batas na “KAHIT ANONG GRUPO” e bawal nga. ‘Yan ang idinidiin ni Sen. Pimentel.
Sa darating na Lunes tingnan ninyo kung sino ang tumakbo at nangampanya bilang isang grupo politikal. Kung gusto ninyo, kasuhan ninyo sila sa Comelec hanggang sa Korte.
Pangako naman ni Jimenez na kapag may reklamong ganito na dumating sa kanila ay agad nilang diringgin at pag-uusapan. Kung hindi sapat ang kanilang magiging desisyon, maaaring idu-log ito sa Korte hanggang magkaroon ng malinaw na basehang batas.
Try ninyo!
Joel M. Sy Egco