ISA sa grabeng sinalanta ng bagyong Santi ang aming lalawigan sa Nueva Ecija. Sa aming lugar mismo ay talaga naman kitang-kita ang pinsala sa mga estruktura, taniman at mga bakuran ng bawat bahay. Malalaking punong nagbagsakan, mga posteng naghambalang at mga bahay na tinalupan ng bubong.
Tila ibinalik sa sinaunang panahon ang lalawigan. Madilim dahil walang koryente at maraming bayan at ang inuming tubig ay kailangan muling tiyagain sa poso.
Hanggang ngayon ay wala pa rin pasok sa mga paaralan at karamihan sa mga negosyo ay umaasa lamang sa mga GENERATOR SETS. Tila singko isang generator ngayon doon.
Isang bagay ang ipinaalala sa akin ng insidenteng ito. Na noong araw ay wala naman talagang nagliliwanagang ilaw sa mga kalsada. Bawat bahay ay umaasa sa gaserang iitim ang iyong nguso kapag nalapit ka dahil sa matim nitong usok. Siyempre mabenta rin ang mga kandila.
1970s at 1980s nang ako ay isang batang paslit noon sa Gapan na gaya ng aking mga kalaro ay umaasa lamang sa maliwanang na sinag ng buwan kapag naglalaro matapos ang takipsilim. Uso pa ang taguan noon hindi gaya ngayon may mga Internet at Tab na ang mga bata. Masuwerte pa rin noong panahon na ‘yun dahil kahit walang HI-TECH GADGETS gaya ngayon, masaya ang mga paslit na kagaya ko. Kuwentohan ng katatakutan kapag walang koryente o kaya’y larong TAGUAN PONG ang pinagkakabalahan namin.
Naikuwento ko ito, mga kanayon, para iangat ang puntong walang dapat ikabahala kung tayo man ay inabot ng ganitong delubyo. Going back to the basics, wika nga. Kami mismo ng aking pamilya ay apektado rin. Bagsak ang ilang punong manggang kinagigiliwan ko sa likod bahay.
Mas kalunos-lunos ang sinapit ng iba nating kababayan at kaprobinsiya. Aanihin na lamang ang mga pananim, inagaw pa ni SANTI.
Sa kabilang banda, hindi na tayo dapat magmarkulyo o mag-iiyak sa mga nangyari. Kung nadapa, walang ibang dapat gawin kundi tumayo muli.
Ang mahalaga po, buhay pa rin tayo at kinabukasan ay maaari na muling magtanim, magtrabaho, magbungkal ng lupa at magpatubig.
Ang lahat nang ito’y pansamantala lamang. Makararaos din ang lahat sa hirap ng dagok ng tadhanang ito.
Hindi lamang po sa mga kapwa ko NOVO ECIJANO kundi para sa lahat ng dumaan sa matinding pagsubok: BABANGON TAYO!
Walang bagyo, lindol, digmaan o anumang uri ng pagsubok ang kayang magpatumba sa mamamayang laging nakahandang tumayo muli at magsabing YAKANG-YAKA ‘YAN!
Joel M. Sy Egco