UMAASA ang head coach ng RP team na sasabak sa men’s basketball ng Southeast Asian Games na si Joseph “Jong” Uichico na makakasama sa lineup ng koponan ang mga sentrong sina Raymond Almazan ng Letran at Arnold Van Opstal ng De La Salle University.
Sa ngayon, tanging sina Marcus Douthit at Jake Pascual ang mga sentro ni Uichico para sa koponang sisikaping mapanatili ang ginto sa SEA Games na gagawin sa Myanmar sa Disyembre.
“We’re guard-heavy kaya we’re hoping the two big men will confirm,” wika ni Uichico.
Aakyat na sa PBA draft si Almazan samantalang kagagaling lang si Van Opstal sa kampanya ng Green Archers na nagkampeon sa UAAP.
Bukod sa kulang sa sentro, isa pang problema ni Uichico ang ensayo ng kanyang koponan dahil ilan sa mga manlalaro niya ay sasabak din sa PBA D League na magbubukas sa susunod na linggo.
“Once magsimula ang D-League, baka di rin kami makumpleto sa practice. So now, we will have to make the most of what we have,” ani Uichico.
Kasama sa national team pool sa SEA Games sina Kevin Alas, Matt Ganuelas, Jake Pascual, Ronald Pascual, Terrence Romeo, Mark Belo, Bobby Ray Parks, Jericho Cruz, Prince Caperal, Roi Sumang at Kevin Ferrer.
Imbitado rin sina RR Garcia at Jeric Teng ngunit pareho silang umayaw dahil nagpalista na sila sa PBA Rookie Draft.
(James Ty III)