NAGSIMULA ang bagong taon na puno ng excitement dahil ang World Slasher Cup –madalas ituring bilang Olympics ng sabong – ay nakatakdang magbalik sa Smart Araneta Coliseum sa 20-26 Enero 2025.
Ngayong taon, sa kanilang ika-62 anibersaryo, muling huhugos ang pinakamahusay na breeders at mahihilig sa sabong mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na nangangako ng isa na namang linggong puno ng aksiyon at kasiyahan.
Magaganap ang derby sa loob ng anim na kapanapanabik na araw ng sabong. Magsisimula ang mga eliminations sa 20 at 21 Enero, kasunod ang mga semi-finals sa 22 at 23 Enero. Pagkatapos ng isang araw na pahinga, ang pre-finals sa 25 Enero ay magtatakda ng mga nangungunang kalahok para sa grand finals sa 26 Enero, kung kailan ipapahayag ang ultimate champion.
Sa loob ng mga dekada, ang World Slasher Cup ay naging pugad ng pinakamahusay sa larangan ng sabong. Higit pa sa isang paligsahan, ang World Slasher Cup ay isang pagdiriwang ng tradisyon, pagkakaisa, at ang pagsusumikap para sa kahusayan sa sabong.
Ito ang pagkakataon para sa mga batikang tagahanga kahit ang mga baguhan, ito na ang pagkakataon na masaksihan ang mga world-class na laban at sumuporta sa susunod na kampeon.