TAHASANG hinamon ni Manila 2nd District Representative Rolan Valeriano (CRV) si former Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na sumalang sa lie detector test, bilang reaction ng una sa isang video na nakarating sa kanyang kampo na tila pag-aakusa sa kanila nang hindi magandang pagtrato sa dating mayor.
Nabatid base sa kumalat na video, sinabi ni Moreno na siya at si dating Councilor Letlet Zarcal, ay nakipagkita kay CRV kasama si 3rd District Representative Joel Chua at malakas umano ang pagsasalita ng dalawang congressman na sinabing ipagkakatiwala nila ang posisyon sa pagka-alkalde kahit kanino maliban sa kanya (Moreno).
Mariing nanindigan sina Valeriano at Chua na hindi ganoon ang kinahantungan ng pagkikita nila at walang ganoong klaseng insidente na naganap sa meeting.
Giit ni Valeriano, maayos silang naghiwalay at sinabing ‘Boss’ pa rin ang kanilang itinawag kay Moreno.
Kaugnay nito, nang makarating sa kaalaman ni Valeriano na naglabas ng kuwento si Moreno tungkol sa nasabing meeting ay agad siyang nag-text kay Zarcal na kaharap sa naunang pulong upang alamin ang pakiramdam nito sa sariling kuwento na ginawa umano ni Moreno.
“Ano nasa isip mo pare ‘pag nagsisinungaling ang kaharap mo kasi kasama ka riyan pero kung siraan kami… maayos tayong naghiwalay no’ng gabing ‘yun…” pahayag ni Valeriano kay Zarcal ngunit hindi pa sumasagot sa kanyang text message.
Sina Valeriano at Chua ay dalawa sa limang congressman sa lungsod na tanyag sa pananatiling kaalyado ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna – Pangan.
Isa lamang sa anim na incumbent congressmen sa kabiserang lungsod ng bansa ang kapartido ni Isko para sa 2025 national and local elections.
Ani Valeriano, posibleng ito ang dahilan kung bakit winawasak sila ni Isko sa mata ng publiko.
Giit ng dalawang congressman, hayagan nilang idinedeklara ang kanilang paniniwala at suporta para kay Lacuna dahil anila, siya ang karapatdapat para patuloy na mamuno sa lungsod sa mga darating na panahon. (HNT)