ISA patay at 17 sugatan, dalawa nasa kritikal na kalagayan makaraang araruhin ng rumaragasang dyip habang nag-aabang ng masasakyan ang mga trabahador kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Kinilala ang namatay na si Pancho Gregy Cabuac, 22 anyos ng Brgy. Rosario, Pasig habang isinusugod sa Pasig City General Hospital.
Sugatan naman ang kapwa nito trabahador ng Peerless Integrated Services na sina: Jayson Remetala, 22; Ariel Delos Santos, 23; Efren Necerio, 25; Romeo Pendang, 23; Joel Navarro, 27; Duncan Masada, 23; Adam Salamudin, nasa hustong gulang; Rodel Remando, 35; Brian Vival, 25; January Endaya, 21; Jerome Zumbille, 27; Justine Mangadi, 19, Mark Parillo, 21; Ricardo Polise, nasa hustong gulang; Candy Rona, nasa hustong gulang; Aaron Viva dela Paz at Mark Anthony Trinidad.
Sa imbestigasyon ng Pasig Traffic Unit, dakong 10:43 ng gabi kalalabas lang ng mga biktima sa trabaho at nag-aantay ng masasakyan sa tapat ng Universal Robina Corporation sa Amang Rodriguez Ave., Brgy. Rosario ng lungsod ng araruhin ng dyip na may plakang TXT-196 na minamaneho ng isang Richard Eleazar Portillo ng Brgy. San Miguel sa lungsod.
Tumakas ang suspek sa halip na saklolohan ang mga nabiktima, ngunit dakong 12:00 ng gabi ay kusang loob itong sumuko sa Pasig City Traffic Unit at sinabing nawalan ng preno ang minamanehong sasakyan.
Nakapiit ang suspek sa detention cell at nakatakdang kasuhan ng homicide, multiple injuries at multiple serious physical injuries.
(Ed Moreno/MIKKO BAYLON)