DALAWANG lalaki ang napatay na kapwa biktima ng pamamaril sa magkahiwalay na lugar sa Maynila iniulat kahapon.
Sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan ng MPD homicide, kinilala ang unang biktimang si Danilo ‘Dante’ Onanad, 52, manager ng comedy bar, umano’y kolumnista ng Diaryong Pinoy, residente ng Block 5, Ext., Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Dakong 7:00 ng gabi nakaupo si Onanad sa isang monoblock sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang hindi nakilalang salarin at agad pinaputukan ang biktima sa likod ng ulo na agad ikinamatay nito.
Samantala, binaril at napatay ng hindi nakilalang suspek si Jean Paul Cervantes, 28, residente ng 29-D, Sta. Theresa St., Don Bosco, Tondo.
Ayon kay SPO1 Escarlan, dakong 8:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa eskinita sa Gate 58, Area H, Parola Compound,Binondo, Maynila.
Sa imbestigasyon ng scene of the crime operatives (SOCO) sa pamumuno ni Senior Insp. Liza Ang, dalawang tama ng bala sa dibdib at tatlo sa katawan mula sa hindi nabatid na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng biktima.
Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang motibo sa pamamaslang.
(leonard basilio)