GINAWARAN ng Department of Health (DOH) Central Luzon Regional Blood Center ang Bulacan Provincial Blood Center ng Plake ng Pagpapahalaga dahil sa pagiging consistent lead blood service facility partner ng mga lokal na pamahalaan na pinamamahalaan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, sa isinagawang Sandugo Awarding Ceremony sa Premium Ballroom A, Premium Tower, Royce Hotel, Clark Freeport, Pampanga, kamakailan.
Iginawad ni Regional Director Corazon Flores ang plake sa Bulacan Provincial Blood Center bilang pasasalamat at pagkilala sa suporta nito sa Regional Voluntary Blood Services Program sa Campaign on Voluntary Non-Remunerated Blood Donation bilang Lead Blood Service Facility para sa taon 2023.
Pahayag ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, patuloy na susuportahan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang mga layunin ng DOH at bawat lokal na pamahalaan na matiyak ang pagkakamit sa ligtas at sapat na dugo.
Nakatanggap rin ang bayan ng Paombong sa pamumuno ni Mayor Maryanne Marcos ng Plake ng Pagpapahalaga bilang LGU partner.
Samantala, binati ni Fernando ang apat pang nagwagi para sa city/municipality with 1% collection through community-based donation CY 2023 at ginawaran ng Plake ng Pagkilala kabilang ang bayan ng Pandi sa pamumuno ni Mayor Enrico Roque; lungsod ng Malolos sa pamumuno ni Mayor Christian Natividad; bayan ng Angat sa pamumuno ni Mayor Reynante Bautista; at lungsod ng San Jose Del Monte sa pamumuno ni Mayor Arthur Robes.
“Binabati ko po ang ating mga LGU na kinilala ng Sandugo Award. I am proud of your exemplary efforts on blood programs implementation. Nawa’y patuloy ninyong hikayatin ang inyong mga nasasakupan na makiisa at boluntaryong magbigay ng dugo upang mas maraming buhay ang ating masagip,” ani Fernando.
Ang Sandugo Award ay isang pagkilala na ibinibigay sa mga namumukod-tanging mga yunit ng lokal na pamahalaan, institusyon ng gobyerno, pribadong organisasyon at indibiduwal para sa kanilang hindi matatawarang suporta at kontribusyon sa pagsusulong ng boluntaryong pagbibigay ng dugo. (MICKA BAUTISTA)