BALIK-HOYO ang isang lalaking ex-convict na sinabing notoryus na holdaper matapos biktimahin at saktan ang ang 18-anyos na babaeng estudyante nang pumalag ang biktima sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Col. Allan Umipig, Officer-in-Charge (OIC) ng Valenzuela City Police ang suspek na si alyas Ramos, 29 anyos, residente sa Road 5, Hagdang Bato, Brgy., Marulas.
Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Regor Germedia, naglalakad ang biktimang si alyas Jhan, sa Ilang-Ilang St., Brgy. Marulas nang harangin ng suspek at pilit inagaw ang cellphone at bag pero pumalag ang dalaga.
Naglabas ang suspek ng isang replikang baril at hinampas sa likod ang biktima hanggang magpambuno ang dalawa ngunit nagawang iuntog ng holdaper sa semento ang dalaga kaya naagaw ang kanyang cellphone.
Tumakas ang suspek habang humingi ng tulong ang biktima sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Marulas Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa holdaper at nakuha ang ginamit na replikang baril.
Nabawi rin ang cellphone ng dalaga sa holdaper.
Ani PSMS Germedia, si Ramos ay nakulong nang walong taon sa Maximun Security Compound, New Bilibid Prison (NBP) dahil sa mga kasong paglabag sa RA 9165, Frustrated Homicide, at Robbery. Kalalabas lamang nito noong 19 Marso 2024.
Nasangkot din sa sunod-sunod na kasong theft at robbery noong 2016 sa Brgy. Marulas.
Ayon kay P/Cpt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch, si Ramos ay nahaharap sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons at paglabag sa RA 10591. (ROMMEL SALES )