BINITBIT sa selda, ng mga awtoridad, ang dalawang tambay na nambulabog sa mga natutulog pang residente, nang dakmain kaagad ng mga barangay tanod, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, itinawag ng isang residente sa barangay ang ginagawang pambubulabog ng mga suspek na sina alyas Ruel, 23 anyos, ng Purok 6, Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon; at alyas Jasper, 20 anyos, ng Block 4 Damata Letre, Brgy. Tonsuya dakong 4:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Escanilla St., Brgy. Concepcion.
Kaagad nagtungo sa lugar ang mga tanod ng Barangay Concepcion sa pangunguna nina Jonathan Pioson at Manuel Jamora, at kanila pang inabutan ang dalawa na nagsisisigaw at naghahamon ng away habang isinawasiwas ng isa ang dalang patalim.
Nag-iba ang tono ng boses ng dalawa nang makitang nasa harapan nila ang mga nagrespondeng tanod kaya’t hindi na sila nagtangka pang tumakas.
Nakuha ng mga tanod kay alyas Ruel ang hawak na patalim na kanyang iwinawasiwas habang naghahamon sa mga residente sa lugar.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/SSgt. Ernie Baroy, dumayo sa naturang barangay ang dalawang suspek para maghasik ng gulo at mambulabog sa mga residente.
Dinala muna ng mga tanod sa Ospital ng Malabon (OsMa) ang dalawang suspek upang isailalim sa medical examination bago ipinasa sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Malabon Police, na silang maghahain ng kasong alarm and scandal at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon. (ROMMEL SALES )