TAHASANG kinokondena ng senado ang panibagong pangha-harass na ginawa ng Chinese Coast Guard sa isang barkong kinontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maghatid ng suplay sa ating tropa sa Ayunging Shoal.
Ayon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Jinggoy Estrada hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang patuloy na paglapastangan sa ating soberanya at karapatan.
Binigyang-linaw ng mga senador na aksidente man o hindi, lubhang hindi katangap-tanggap para sa ating mga Filipino ang ginagawang pagha-harass ng grupong Chinese.
Iginiit ng mga senador, patunay ito ng kawalan ng paggalang at respeto sa atin hindi lamang bilang isang Filipino kundi bilang isang tao.
Naniniwala ang mga senador, maliwanag na hindi lamang paglabag sa karapatang pantao kundi sa tinatawag na international law.
Kaugnay nito, sinabi ni Estrada, dapat muling pag-aralan ng pamahalaan ang iba pang estratehiya at pamamaraan nang sa ganoon ay hindi na maulit ang pangyayari at higit na mabigyan ng proteksiyon ang ating mga tropa.
Dahil dito tiniyak ni Zubiri, suportado niya ang panawagan ng kanyang kapwa mambabatas na panukalang dagdagan ang pondo ng ating Philippine Coast Guard (PCG) at AFP upang sa ganoon ay higit na mapagtibay ang kanilang puwersa.
Bukod dito titiyakin ni Zubiri na magkakaroon ng sapat na pondo ang PCG at AFP upang lalo pang mapaigting ang kanilang proteksiyon. (NIÑO ACLAN)