INARESTO ng pulisya ang isang lalaki na inginuso ng residente na may sukbit na baril habang nasa isang karaoke bar sa San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang suspek ay kinilalang si Eugene Calderon, 26 na naaresto sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso, Bulacan.
Napag-alamang isang concerned citizen ang nag-ulat sa San Ildefonso Municipal Police Station {MPS} na may kostumer sa 13th Angel Karaoke Bar ang naispatan na may nakasukbit na baril.
Agad nagresponde ang mga operatiba at nakumpiska sa suspek ang isang caliber 9mm Glock 19 na may serial number CBL412, isang magazine, at 13 piraso ng bala ng caliber 9mm.
Kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal possession of Firearm and Ammunition) at Omnibus Election Code (Gun Ban) ang isasampa laban kay Calderon. (MICKA BAUTISTA)