“SOBRA tayong nagagalak at nagpapasalamat sa pagkakapasa ng ating una at prayoridad na panukala na tinatawag na nga nila ngayong Revilla Bill, Ito ay patunay sa pagpapahalaga, pagmamahal, at pagkalinga sa ating mga lolo at lola.”
Ito ang tuwang-tuwang pahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., dahil hindi umano nasayang ang kaniyang pagsisikap makaraang pumasa sa Senado ang kauna-unahang panukulang batas na kanyang isinumite sa 19th Congress na mas kilala sa tawag na Revilla Bill.
Sa botong 20-0-0, aprobado na sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukalang batas na mag-aamyenda sa Centenarian Act of 2016 na magkakaloob ng cash gift nang mas maaga sa mga senior citizen na may edad 80, 90 at 100 nitong nakaraang Lunes, 25 Setyembre, nagkataong kaarawan mismo ng mambabatas.
Si Revilla mismo ang principal author at tumayong co-sponsor ng Senate Bill No. 2028 sa ilalim ng Committee Report No. 61 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang Centenarian Act of 2016 upang maibigay ang monetary benefits sa mga senior citizen na may edad 80 at 90 anyos. Ito ang naging substitute bill sa kanyang SBN 21.
Sa ilalim ng Senate Bill 2028 o ang panukalang “Expanding the Coverage of the Centenarians Act,” ang mga senior citizens ay pagkakalooban ng P10,000 pagsapit sa edad na 80 anyos, P20,000 sa edad na 90 anyos, at P100,000 pagsapit sa edad na 100 anyos.
Nakapaloob din sa Revilla Bill na hindi na kailangan maghintay pa na umabot sa edad 100 anyos para makuha ang naturang benepisyo mula sa gobyerno.
“Kapag tuluyan nang naisabatas itong ating panukala, hindi na lang ‘yung mga lolo at lola natin na aabot sa 100 years old ang makatatanggap ng cash gift. Kahit ‘yung mga 80 years old at 90 years old ay makatatanggap na rin.
“Nagkataon pang mismong birthday ko ito naaprobahan ng Senado, kaya ito ang pa-birthday natin sa kanila,” ani Revilla.
“Masaya tayo sa development na ito kasi sa totoo lang, sa kasalukuyan, masyado nang matanda ang mga benepisaryo bago pa nila matanggap at ma-enjoy ang ibinibigay ng gobyerno na monetary gift sa kanila. ‘Yung iba nga e baka hindi na naiintindihan kung anoman ‘yung natatanggap nila. Kaya itinulak talaga natin na ma-advance sana kahit paano para ma-enjoy pa nila.”
Nagpugay ni Revilla kina Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairperson Senator Imee R. Marcos at Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri sa kanilang suporta at pagbibigay ng panahon para sa panukalang batas at inaasahang sa susunod na taon, ang panaginip ay maging isa ng ganap na katuparan.
Nakapagpasa ang Kamara ng counterpart bill at bubuuin na ang bicameral conference committee para pag-isahin ang kani-kaniyang bersiyon. Matapos ito ay raratipikahan ang mapagkakasunduan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, kasunod ang paglagda ng pangulo. (NIÑO ACLAN)