ni Allan Sancon
NALUHA sina Vic Sotto at Joey de Leon gayundin ang Legit Dabarkads sa mainit na pagtanggap ng TV5 sa kanila sa sa bago nilang tahanan.
“Katulad ng nabanggit ni MVP (Manny V. Pangilinan) na feeling namin ay para kaming si St. Joseph at si Mama Mary na naghahanap ng bahay. Hindi ko naman sinasabing itong TV5 ay sabsaban noh, napakagandang sabsaban naman nito. Ang TV5 ang nagbigay sa amin ng bagong tahanan. Thank you MVP, Salamachi!” ‘yan ang madamdaming pahayag ni Joey habang patuloy na tumutulo ang luha ni Vic na hindi na nakapagsalita dahil pagiging emosyonal nito.
“More than thank you MVP dahil sa pagtulong mo, at gusto n’yong tulungan ‘yung iconic program na ang layunin lang naman ay magpasaya ng mga manonood. Napakalaking bagay sa amin nito at sa ating mga kababayan,”dagdag ni Tito Sotto.
“Maybe the best analogy I can give you ay ‘yung na-involve kami sa basketball team ng Gilas Pilipinas. Sabi sa akin ng mga collegue ko, ang laki ng gastos n’yo sa pagsuporta sa Gilas and yet alam n’yo namang maliit ang Pinoy, hindi tayo mananalo riyan.
“Sabi ko sa kanila, mahal ng Filipino ang basketball, pwede ba naming talikuran ‘yung minamahal ng Pinoy? Ganoon din sa ‘Eat Bulaga’ na alam naming mahal ng sambayanang Filipino ang ‘Eat Bulaga’ kaya binigyan namin sila ng bagong tahanan dito sa TV5,” pahayag ni Mr Manny V Pangilinan na nagpapalakpak sa mga media at iba pang tao sa media conference.
Hindi man nagbigay ng magiging bagong pangalan ng kanilang bagong noontime show ang TVJ at Legit Dabarkads, tiyak na marami silang pasabog na aabangan sa launching sa July 1, 2023.