Dalawampung miyembro ng farm group na sumusuporta sa CPP-NPA ang nangako ng katapatan sa panig ng gobyerno, samantalang dalawang dating rebelde ang sumuko sa Nueva Ecija at Pampanga.
Sa pinaigting na intelligence-driven operations ng Regional Mobile Force Battalion 3 na pinamumunuan ni Acting Force Commander PLTCOL JAY C DIMAANDAL ay nagresulta sa pagtalikod ng suporta ng 20 miyembro ng Liga ng Manggagawang Bukid (LMB) mula sa komunistang grupo sa 303rd MC Headquarters, Gapan City, Nueva Ecija nitong Martes, Hunyo 6.
Samantala, si “Ka Rambo”, na dating miyembro ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG West) ay boluntaryong sumuko sa mga elemento ng 1st Pampanga PMFC katuwang ang iba pang concerned units kamakalawa sa Brgy. Hacienda Dolores, Porac, Pampanga.
Isinuko rin ni “Ka Rambo” mula sa kanyang posesyon ang isang Cal. 45 pistol, pitong bala at isang piraso ng M49A2 60mm Mortar (High Explosive).
Gayundin, ang mga elemento ng 1st PMFC Nueva Ecija PPO at iba pang police units ay isinaayos ang boluntaryong pagsuko ni “Lusing,” na dating miyembro ng Milisyang Bayan sa Burgos Ave., Cabanatuan City, Nueva Ecija kung saan isang Cal. 38 Revolver at dalawang bala ang kanya ring isinuko.
Pinapurihan ni PRO3 Director PBGEN JOSE S HIDALGO JR ang mga tropa ng pamahalaan sa naging maayos na gawain at sinabing ang mga pagsuko at pagtalikod ng mga dating rebelde sa kilusan ay nagpapatunay ng kakayahan ng PNP na bigyan ng daan ang mga aktibo at dating miyembro na bumalik sa panig ng pamahalaan gayundin sa kanilang mga tagasuporta na bumalik sa gobyerno at mamuhay ng mapayapa. (Micka Bautista)