NATAGPUAN ng isang residente ang bangkay ng isang lola na nakasilid sa isang storage box at itinapon sa isang liblib na lugar sa Brgy. Matictic, sa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 11 Marso.
Sa paunang imbestigasyon, pinalo sa ulo ang biktima na kinilalang si Maria Elena Villastique, 67 anyos, ng kanyang anak na si Raymond, 28 anyos, gamit ang kahoy sa kanilang bahay sa Brgy. Villalamok, sa lungsod ng Pasig noong 4 Marso.
Napag-alamang 6 Marso nang makita sa CCTV ang suspek na hinahatak ang isang storage box palabas ng kanilang bahay sa naturang lugar.
Samantala, 11 Marso nang iulat ng isang residente ang masangsang na amoy na kanyang nalalanghap sa Sitio Kanyakan, Brgy. Matictic, Norzagaray.
Nang puntahan ng mga tanod ang lugar, nakita nila ang puting storage box na naka-tape at nang buksan, bumungad sa kanila ang bangkay ng biktima.
Sa autopsy report na isinagawa ng punerarya, blunt head trauma o pinukpok ng matigas na bagay sa ulo ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Ayon sa ulat mula sa National Bureau of Investigation (NBI), nasaksihan ng 6-anyos anak ng suspek ang ginawang pagpaslang sa kanyang lola.
Sinabing humihingi ng pera ang suspek sa kanyang ina na hindi pinagbigyan kaya kumuha ng kahoy at pinalo sa ulo na naging sanhi ng kamatayan ng biktima. (MICKA BAUTISTA)