DINAKIP ng pulisya ang isang lalaking nahulihan ng mga hindi lisensiyadong baril at bala sa kanyang pag-iingat sa isinilbing search warrant sa bayan ng San Ildefonso, sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 11 Marso.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Russel Dennis Reburiano, hepe ng San Ildefonso MPS, kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nagpatupad ang kanilang himpilan ng search warrant sa bahay ni Rolando Valmadrid, 54 anyos, sa Brgy, Mataas na Parang, sa nabanggit na bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Inilabas ang nasabing search warrant laban kay Valmadrid ni San Ildefonso RTC Branch 16 3rd Vice Executive Judge Sita Jose Clemente dahil sa pag-iingat ng mga ilegal na baril at bala.
Nakuha mula sa suspek ang kalibre .45 pistola na may trademark na Colt at may serial number 276334; dalawang pirasong magasin; 17 bala para sa kalibre .45; kalibre 22mm na walang serial number; at isang magasin para sa kalibre 22mm na may pitong bala.
Isinagawa ang paghalughog sa bahay ng suspek at pagkumpiska sa mga baril at bala sa harap ng mga opisyal ng barangay sa lugar. (MICKA BAUTISTA)