ISA-ISANG nahulog sa kamay ng batas nang madakip ng mga awtoridad ang dalawang tulak, dalawang pugante, at apat na sugarol sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 19 Pebrero.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado ang dalawang pinaniniwalaang tulak sa ikinasang buybust operations ng Station Drug Enforcement unit (SDEU) ng Malolos at Bustos C/MPS, at nakasamsam ng pitong pakete ng hinihinalang shabu at buybust money.
Samantala, nasukol ang dalawang pugante na may mga kasong Rape at Unjust Vexation sa police operations na inilatag ng tracker teams ng Hagonoy at Bocaue MPS.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang dalawang suspek ng kani-kanilang arresting unit at police station para sa nararapat na disposisyon.
Samantala, nasakote sa Brgy. Duhat, Bocaue ang apat na indibiduwal na sangkot sa tupada ng mga tauhan ng Bocaue MPS sa isinagawang anti-illegal gambling operation kaugnay sa paglabag sa PD 1602.
Nakuha ang mga manok na panabong, tari at perang taya sa iba’t ibang denominasyon mula sa mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bocaue MPS. (MICKA BAUTISTA)