NIRAPIDO ang sasakyang kinalulunanan ni Aparri vice mayor Rommel Alamida kasama ang kanyang limang staff sa national highway sa bahagi Kinacao, Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya kahapon ng umaga, araw ng Linggo, 19 Pebrero.
Bukod kay Alameda, hindi nakaligtas sat ama ng bala ang kanyang mga staff na kinilalang sina Alexander Delos Angeles, 47 anyos; Alvin Abel, 48 anyos; Abraham Ramos, Jr., 48 anyos; John Duane Almeda, 46 anyos; at ang isa pa na hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan habang isinusulat ang balitang ito.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni PRO2 Acting Regional Director, P/BGen. Percival Rumbaoa ang malawakang hot pursuit operation para tugisin ang mga suspek
Bumuo ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya PPO upang tutukan ang imbestigasyon sa naganap na ambush.
Kinompirma ni P/BGen. Rumbaoa na hindi lehitimong miyembro ng PNP ang mga suspek bagamat batay sa ulat ay nakasuot ng PNP pixelized uniform nang isagawa ang pamamaril.
Batay sa ulat ng Bagabag PNP, sakay si Vice Mayor Alameda at mga kasamahan niya ng isang kulay itim na Hyundai Starex, may plakang KOV 881 nang tambangan ng anim na suspek lulan ng isang puting Mitsubishi Adventure, may plakang SFN 713 gamit ang barikada ng MV Duque Elementary School, kung saan pinaputukan ng mga suspek ang mga biktima gamit ang iba’t ibang kalibre ng baril.
Binigyang diin ni Rumbaoa, hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi nasusukol ang mga taong nasa likod ng karumal-dumal na pagpaslang.
Nanawagan ang punong direktor sa publiko na makipagtulungan sa pulisya para sa agarang paglutas sa naturang krimen. (MICKA BAUTISTA)