NAGING palaisipan ang napipintong privilege speech ni Senador Jinggoy Estrada ukol sa pork barrel na sinasabing makakaladkad ang pangalan ng iba pang mga senador.
Kamakalawa ay inamin ni Estrada na mayroon siyang nakatakdang privilege speech ngunit hindi niya sinabi kung kailan niya ito ihahayag.
Ayon kay Estrada, sa kanyang speech ay tiyak na masasagasaan ang iba niyang mga kapwa senador na sangkot din sa pork barrel scam.
Tumanggi naman si Estrada na tukuyin kung sino-sino ang mga senador na kanyang masasagasaan kasunod ang pag-amin na hindi niya kinunsulta o kinausap ang nasabing mga mambabatas.
Kompyansa sina Senadora Miriam Defensor-Santiago at Francis “Chiz” Escudero na hindi sila ang tinutukoy ni Estrada na masasagasaan ng kanyang speech.
Sinabi nina Escudero at Santiago, wala silang dapat na ipangamba dahil wala naman silang itinatago sa publiko.
Inirerespeto naman ni Escudero ang balakin na speech ni Estrada lalo na’t karapatan ng sino mang mambabatas ang gawin ito sa floor ng Senado.
Idinagdag ni Escudero, ano mang privilege speech ay hindi nangangailangan ng isyu at kung nais ng senador ay maaari niya itong gawin.
(NIÑO ACLAN)
PINAKAMATIBAY NA EBIDENSYA HAWAK NG WHISTLEBLOWERS
KINOMPIRMA ng mga whistleblower na hawak nila ang pinakamatibay na mga ebidensyang magpapatunay sa pagkakadawit ng mga kinasuhang mambabatas at opisyal sa kontrobersyal na P10 billion pork barrel scam.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ni Benhur Luy at ng iba pang mga whistleblower, ipi-presenta nila ang iba pang mga ebidensya sa proper trial ng kaso.
Kaugnay nito, kompiyansa ang mga testigo na mapapanagot ng gobyerno ang mga taong nakinabang sa pondo ng bayan matapos na lumantad kontra kay Janet Lim-Napoles at iba pang mga nasa likod ng anomalya.
Inamin din ng abogado na halos nasa 20 porsyento lamang ang hawak nilang mga ebidensya habang ang NBI naman ang may pinakamaraming mga hawak na dokumento na halos nasa 80 porsyento.
Tuloy-tuloy ang pagsusumite nila ng mga ebidensya para sa second batch ng mga kakasuhan.
(BETH JULIAN)