IPINAUBAYA na ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga sidewalk vendors ang Redemptorist Road sa Barangay Baclaran nang pahintulutang muli maglagay ng mga stalls sa naturang lansangan.
Gayonman, nilinaw ni Olivares na dalawang linya lang ng Redemptorist Road ang ipapa-okupa sa mga vendors kaya’t maluwag pa ring makakadaan sa dalawa pang lane ang mga motorista.
Ani Olivarez, hindi niya ipapa-okupa sa vendors ang bangketa sa gilid ng simbahan ng Our Lady of Perpetual Help upang maging maluwag ang daanan ng mga deboto.
Ayon sa alkalde, nagpasa ng ordinansa ang Sangguniang Panlungsod na nagpahintulot sa mga vendors na makapagtinda sa lugar hanggang matapos ang Kapaskuhan kapalit ng pagbabayad ng P1,000 kada buwan sa puwestong may sukat na isang metro kwadrado.
Bukod dito, magbabayad din ng P20 ang mga vendors araw-araw sa lokal na pamahalaan at P10 naman sa barangay na pawang may kaukulang resibo.
Inatasan din ni Olivarez ang pulisya na bantayan at huwag pahintulutan ang mga illegal vendors na gumagamit ng de-gulong na kariton na umookupa sa dinaraanan ng mga motorista.
Nilinaw ng alkalde na pansamantala lang ang pag-okupa ng mga vendors ng dalawang linya dahil binabalangkas na nila ang permanenteng solusyon oras na makumbinsi ang may-ari ng malawak na loteng pag-aari ng Asiana upang pagtayuan ng puwesto ng mga manininda. (JAJA GARCIA)