“HUWAG mahalin ang posisyon kundi ang tao, at laging mahalin ang bansa bago ang sarili.”
Isa ito sa mga mensaheng tagos mula sa puso ni Gat Bals F. Ople na ibinahagi ng kanyang anak na si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Maria Susana “Toots” Ople, sa paggunita sa ika-96 anibersaryo ng kapanganakan ng kanyang yumaong ama, ang Ama ng overseas Filipino workers (OFWs), Blas F. Ople na ginanap sa harap ng kanyang monumento sa Gat Blas F. Ople Sentro ng Kabataan, Sining at Kultura ng Bulacan, sa lungsod ng Malolos, nitong Biyernes, 3 Pebrero.
“Katulad mo Ama, taos puso ang aking gagawing paglilingkod at taos puso rin akong magpapakumbaba dahil iyan ang turo mo; huwag mahalin ang posisyon kundi ang tao at laging mahalin ang bansa bago ang sarili,” ani Secretary Toots.
Sa komemorasyon na may temang “Gat Blas F. Ople: Dakilang Bulakenyo, Bayani ng Manggagawang Pilipino” binigyang inspirasyon ni Secretary Toots ang mga dumalo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng taos-pusong mensahe sa kanyang yumaong ama na nagsasaad na tutuparin niya ang kanyang mga tungkulin sa bayan nang may tapat na puso at mananatiling mapagpakumbaba sa lahat ng oras.
“Ang kabuuan ng sarili ko ay dahil sa ‘yo. Ikaw ay ako; bagamat kahit kailan ako ay hindi sasapat sa naging ikaw. Ama ng Bulacan sa napakahabang panahon, ama ng mga manggagawa dito man o sa labas ng bansa. Kung may aral man na itinuro ang kapalaran at Panginoon sa ating dalawa, iyon ay ang huwag mainip at iyon rin ang ipaaalala ko sa mga kasamahan natin dito ngayon,” ani Ople.
Samantala, nagbahagi rin si Gov. Daniel Fernando ng kanyang makabuluhang mensahe at binigyang-diin na ang mga Bulakenyo ay biniyayaan ng kalayaan at kaalaman upang gamitin nang mabuti at makapag-ambag ng magagandang pagbabago sa bansa.
“Sa ngalan po ng mga mamamayang Bulakenyo at pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, malugod po nating ginugunita ang ika-96 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Blas F. Ople. Espesyal po ang araw na ito dahil isinilang ang isang dakilang Bulakenyo na kampeon sa puso ng sambayanang Filipino. Isang huwarang lingkod bayan na may pagmamahal sa ating inang bayan at tunay na kumalinga sa mga maralita,” ani Fernando.
Dumalo rin sa paggunita sina Vice Gov. Alexis Castro, mga Bokal Allan Andan at Romina Fermin, dating Bokal Felix Ople, mga pinuno ng departamento sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Provincial Administrator Antonia Constantino at DOLE Bulacan Provincial Head May Lynn Gozun. (MICKA BAUTISTA)