NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P100,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang pinagsususpetsahang drug pusher na naaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt Col. Renato Castillo ang naarestong suspek na si Noel Delos Santos, 44 anyos, residente sa Malaria 1, Tala Road, Brgy. 185.
Sa report ni Castillo kay NPD District Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., dakong 3:05 am kahapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni P/SSgt. Rolando Tagay ng buy-bust operation sa 4th Avenue, Barangay 118.
Agad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Delos Santos, matapos bentahan ng P1,500 halaga ng hinihinalang shabu ang isang undercover police poseur-buyer.
Nakompiska kay Delos Santos ang halos 25 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P170,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 at dalawang pirasong P500 boodle money.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Art II of RA 9165 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)